Lunes, Nobyembre 21, 2011

Philhydro may posibilidad na maipasara?

Buong pagmamalaki noon ng Legazpi City Water District at ng mga broker nito sa City Hall na umano’y magiging maganda ang serbisyo nito kung papayagan ng mga Legazpinyo ang pagpasok ng Philhydro, na isang pribadong kompanya. ipinagmamalaki nila noon maging ni Dating Mayor Noel Rosal na ngayon tumatayong City Administrator na ang tubig ng Legazpi City Water District ay magiging malinis na kagaya ng mineral water na ating nabibili sa mga refilling stations.

Di lingid sa kaalaman ng marami sa atin noon ang ginagawang pang gagapang ng mga alagad ng Philhydro sa mga opisyal ng lungsod at mga director ng LCWD na kung saan sila ay napabalita noon na nag ooffer ng malaking halaga para lamang makuha ang kontrata.

Ang ganitong pamamaraan ay tinangka din nilang gawin sa Daraga Water District, subalit hindi nagtagumpay ang Philhydro, at gumastos lamang sila ng malaking halaga para kumbensihin ang mga director ng Daraga Water District, na kung saan mismong taga Legazpi City Water District pa ang broker nito. Sa kasagsagan ng negosasyon sa Daraga Water District na kadalasang sa metro manila pa nagaganap ang negosasyon bitbit ang malaking halaga na umano’y pangsuhol sa mga director.

Subalit hindi ganun kadaling nakumbense ang mga opisyal ng Daraga Water District, dahil alam nila na hindi magiging maganda ang serbisyo ng naturang kompanya dahilan sa umpisa pa lamang ay kinakitaan na nila ito ng iregularidad sa negosasyon pa lamang.

Ang LCWD at Philhydro ay mayroong sariling laboratoryo na siyang nag eexamine ng tubig na kanilang isinu supply sa mga consumers ng LCWD, natural lamang na magiging negatibo sa bacteria ang kanilang tubig gayong kung titingnan mo ang kanilang tubig ay napakalabo at kulay kalawang, sinasabi ng mga tagapagsalita ng LCWD at ng Philhydro na ang kanilang tubig ay ligtas na inumin ng tao, pero ewan, baka maging sila man ay hindi maaatim na uminom sa kulay kalawang na tubig.

Nitong nakaraang linggo lamang, mayroong napaulat na namatay dahilan sa pag inom ng tubig mula sa LCWD, bagama’t ito ay itinatanggi ng mga tagapagsalita ng naturang tanggapan, mismong si Mayor Geraldine Rosal ay nagpalabas ng kautusan o advisory sa mga mamamayan ng Legazpi na huwag iinom ng tubig mula sa LCWD o kaya naman ay pakuluang maigi (25 minuto) para masigurong namatay na ang bacteria.

Sa isinagawang pagsusuri ng University of the Philippines Natural Sciences and Research Institute (UP-NSRI) lumabas na ang tubig na isinusupply ng Philhydro at LCWD ay hindi naaayon sa Philippine National Standard for Drinking Water (PNSDW), nakita din sa isinagawang pag aaral na ang tubig na dumadaloy sa mga gripo ng bawat konsumedor ay positibo na mayroong mataas na level ng tinatawag na magnesium hardness (calcium carbonate) at ang total dissolved solids (TDS) ayon sa pag aaral, ang pagkakaroon ng mataas na magnessium sa tubig ay maaring maging sanhi ng paglaki ng bato o Kidney stones lalo na kung madalas ang pag inom nito.

Ayon kay Engineer Alain Mape, Provincial Sanitary Office. posibleng maipasara ang Philhydro kung mapapatunayan base sa isasagawang pag aaral ng Department of Health (DOH) na mayroong paglabag sa Sanitation Code of the Philippines ang naturang kompanya.

Sa kasalukuyan, ang permiso sa pagnenegosyo ng PhilHydro ay ibinasura ng lokal na pamahalaan ng Legazpi base na rin sa rekomendasyon ng Department of Health (DOH) dahilan sa umano’y pumalya ang naturang kompanya na mag comply ng mga rekesitos o requirements na kinakailangan para sa pag operate ng water supply facility.

Ayon kay DOH regional director Nestor Santiago, ang Philhydro umano ay nagkaroon ng tatlong paglabag, una, ang kabiguan ng Philhydro na magsecure ng initial permit sa DOH to develop a drinking water supply system. Pangalawa, secure a DOH Operational Permit, at ang pangatlo, ay ang marumi at ang mabahong tubig na kanilang isinusupply sa mga konsumedor na siya ngayong inerereklamo ng mga konsumedor, at iba pang mga Non Government Organizations.

kung ating matatandaan, nitong nakaraang Hunyo ng kasalukuyang taon, ang Sangguniang Panglunsod ng Legazpi ay nagpadala ng notice of violation na kung saan binibigyan ng 60 araw ang Philhydro para kumpletuhin ang mga requirements subalit bigo ito na magcomply sa hinihinging requirements ng DOH hanggang sa natapos na ang ibinigay na palugit.

Ayon sa ating impormasyong nakuha, si Rolando Mangulabnan, chief operating officer ng Pholhydro ay humihingi umano ito ng anim na buwang extension (6 Months) para makumpleto nito ang hinihinging requirements ng Deapartment of Health, nakuh bakit pa? kung tutuusin, dapat sa umpisa pa lamang ay ginawa na nila yun. kung hindi pa nagreklamo ang mamamayan eh mukhang wala naman silang ginawa, napakamahal ng kanilang sinisingil gayung hindi naman pala malinis ang kanilang ibinibentang tubig sa mga konsumedor.

Ang masaklap, kailangan pa bang mayroon munang magkasakit o mamatay bago tayo umaksiyon? gayung malinaw naman na hindi sila pumasa at hindi sila kwalipikado ng magsupply ng malinis na tubig na kagaya ng kanilang ipinangangalandakan noon. pamini-mineral water pa kayo, eh funeral water pala ang gusto ninyong ipainom sa mga Legazpinyo.

Ngayon, nasaan na yung mga opisyal ng LCWD? magkano ba ang inyong kinita sa Philhydro? pati yung mga broker diyan sa City Hall, nasaan na kayo? napaghahalata tuloy na halos hindi nila magalaw ang Philhydro ngayon dahil sa malaking kickback na nakuha noong kasagsagan pa lamang ng negosasyon. hay buhay, pera nga naman. marami ang nagagawa ng pera, kahit ang mga mata ng ating mag lider ay kayang kayang takpan, huwag na lang mag ingay kahit na mayroong nakikitang iregularidad sa transaksiyon, kahit na ang nakataya dito ay ang kalusugan ng mamamayan.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento