Miyerkules, Nobyembre 2, 2011

Governor Joey Salceda, muling nanawagan ng suporta para sa pambato ng bansa sa Miss International


Ni: Willy V. Salazar

Legazpi City-Bagama't may pagdududa na posibleng namamanepola ng China ang nagaganap na online voting para sa 51st Miss International, ipinakita pa rin ng mga Albayano ang suporta sa pambato ng Pilipinas na si Bb.Pilipinas International Miss Diane Elaine Samar Necio. Ito ay kaugnay ng mabilis na pag angat ng China na kung saan nalampasan na nito ang Vietnam, at kagabi ay lumamang na rin ito sa Pilipinas.

Ganun pa man, hindi pinanghihinaan ng loob ang mga Albayano at tuloy tuloy ang ginagawang pagboto bilang pagpapakita ng suporta sa pambato ng bansa sa naturang patimpalak. Sa kasalukuyan ay muli na namang nakabawi ang Pilipinas at ito ay nangungunang muli sa nasabing online voting.

Kaugnay nito, muling nanawagan si Gobernador Joey Sarte Salceda sa mga Albayano at sa mga Pilipino saan mang panig ng mundo na suportahan si Diane at maglaan ng oras ang bawat isa para sa naturang online voting. kaakibat ng panawagang ito, bagama't naniniwala si Gobernador Salceda na hindi dapat masyadong umasa ang ating mga kababayan na maipanalo ito sa pamamagitan ng online voting dahil sa posibilidad na namamanepola ng China ang nagaganap na botohan sa internet, hindi naman dapat na magpabaya ang ating mamamayan partikular ang mga Albayano sa suporta para sa ating kandidata na si Miss Diane Elaine Samar Necio na nagmula pa sa bayan ng Polangui, Albay.

Samantala, maging ang ilang lokal na munisipyo sa Albay ay nagsasagawa na rin ng kani-kaniyang paraan upang maipakita ang suporta sa pambato ng Pilipinas para sa Miss International, maging ang mga himpilan ng radyo, at iba pang individual ay patuloy din sa pangangalap ng suporta para sa laban ni Diane, anya' ang pagkapanalo ni Diane kung sakali man ay hindi lamang karangalan ng kaniyang pamilya o karangalan ng mga Albayano, kundi ito ay karangalan din ng buong bansa.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento